Napapadalas ang kain ko nang fishball nitong mga nakaraang araw. Pero laging pumapasok sa isip ko ang tanong na “Madumi ba ang fishball?”. Pero bakit ganun sa tuwing naaalala ko tong katanungan na to, eh stick na lang ang hawak ko na may bakas pa ng natirang sauce.
Ewan ko ba kung bakit pero mahirap tanggihan ang fishball. Pag sa tuwing nadating na si “kuya fishball (yun ang tawag namin sa kanya)”, eh di ko na maiwasang dumukot sa wallet ko ng pera. O baka naman masyado lang akong tinatablan ng paawa effect nyang mukha. Siguro nga.
Pero akala nyo ba na sa fishball lang matutuon ang usapan natin? Pwes nagkakamali kayo dahil halos lahat ng street foods sa Pinas eh bibigyan ko ng kwento at reaksyon.
Fishball. Tulad nga ng sabi ko, mahirap talagang tanggihan ang street food na to. Kaya kung irerate ko to, bibigyan ko sya ng 8!
Squidball. Hmmmmm di ako boto sa squidball eh, di ako nasasarapan. Kaya 5 lang sya para sakin.
Kikiam. Parng squidball lang din pero mas pipiliin ko na to kaya 6 sya sakin.
Kwek-kwek. Masarap din sya. Gawa sa itlog ng pugo na binalutan ng harina at orange na food color. 8 ang rating ko sa kanya. Bakit kaya orange lang ang kulay nito? Bakit bawal ibang kulay? Bakit ang kwek-kwek sa Maynila orange din? Bakit hindi pink?
Hotdog. Pwede na rin, kaya 7 bibigay ko sa kanya.
Sa sawsawan naman nitong mga to. Mas gusto kong mas maanghang. Pero totoo bang nakakapagpaalmoranas ang maaanghang? Siguro sa tingin ko hindi naman kasi maayos naman ang pagdaloy ng --- ko, hindi naman parang rush hour sa hapon ang pag--- ko, hindi naman ako nahihirapan kahit mahilig ako sa maanghang. Yucks!
Barbeque. Isa pang paborito. 8 din ang bibigay ko. Hindi ko na ipapaliwanag kung ano ang barbeque, kasi malamang naman alam mo na to. Tsaka baka nga alam mo history nito at kung sino ang nagpangalan nito at kung bakit ito nakatusok sa stick eh. Ako kasi hindi.
Isaw. Isa sa pinakamadumi sa mga madudumi! Gawa sa bituka ng manok (pero mas gusto ko yung bituka ng baboy) Kahit mapait to, paborito ko to. Eto nga lang yata ang mapait na gusto ko eh! Kaya 9 ang ibibigay ko!
Dugo o Betamax. Hindi talaga ako nakain nito, pero dahil sa isang kaklase, nagbago ang buhay ko. Dahil tinuruan nya kong kumain nito, at ang aking unang reaksyon ay Wow! Grabe! Sarap pala nito no! Kung iniisip mong nasarapan ako sa dugo, nagkakamali ka. Dahil libre nya lang yun sakin kaya pinilit ko na lang syang gustuhin! Nakakahiya naman! Diba? Pero 7 pa rin ang ibibigay ko sa kanya.
Paa ng manok o Adidas. Isang beses pa lang akong nakakakain nito eh, ganto pala tong adidas no. Bad trip kainin. Puro buto! Parang si Pepe Smith! Wala nga yata akong nakain eh. Para bang bumili ako ng lollipop na stick lang ang nakuha ko. O baka naman talagang di lang ako marunong. Kasi mag-isa lang ako nung kumain non eh. Pero bibigyan ko pa rin sya ng 5!
Tenga (ng tao) o Earphone. Ulo ng manok o Helmet. Di pa ko nakakakain nyan kaya wala akong rating para dyan.
Popcorn. Kala mo sa sinehan lang yan! Meron na ring naglalako nyan ngayon! Kadalasan sa peryahan to makikita. And it comes in many flavors! May plain, cheese, barbeque, at yung isa hindi ko alam ang flavor pero kulay pula.
French Fries. Dating pang fast food lang, ngayon pang kalye na! Progress? 6 lang ang ibibigay ko sa kanya kasi mas gusto ko ang French fries ng KFC eh.
Cheese sticks. Kung may French fries, may cheese sticks din! Lumpia wrapper na pinambalot sa keso. 7 bibigay ko.
Balot. Ang tagal ko nang di nakakakain nito. Miss ko na to. Yung sabaw nya. Yung pula. Yung sisiw na may balahibo na (nagbibinata). Ayos! 9 ibibigay ko! Tsaka sino naman kayang tatanggi dito eh ang ganda ng boses nung naglalako samin nito! Pwedeng pangradyo! At pwede ring pamalit kay Mike Enriquez! Mas umunlad sana sya kung ganun.
Taho. Masarap na pang-agahan to! Healthy pa! pero pinagtataka ko lang kung bakit nagpapakahirap yung mga magtataho na buhatin yung paninda nila eh pwede namang gumawa ng wheels! Pero 9 din ang ibibigay ko!
(dirty) Ice cream. Wheels ba kamo? Eto kailangan ng wheels para sa negosyong to. Ang paborito ko namang dirty ice cream eh yung ice cream ni Aling Mameng sa bayan ng Cabuyao. Tabi ng Minute Burger. Pero hindi naandar ice cream cart nya (matanda na kasi), nakasteady lang! 8 ako dito.
Kung may pambara, kailangan din ng panulak!
Sago’t gulaman. Wala kong masabi! Basta 7 ibibigay ko!
( ) Con yelo. Pwedeng mais, saging, pakwan, mangga, atis, alatiris, at kung ano pang maisip mong prutas. Pwede yon! 8 ang ratings!
Juice. Pwedeng buko, pinya, orange at iba pa! 7 din!
Wala na kong maisip!
Balik tayo sa mga pambara…
Eto yung dalawang pinaka kinaaadikan kong street foods..
Calamares. Woohoo! Pusit na binalutan ng harina tapos pinrito! Napakagandang ideya! Ok lang sakin kahit tadtad pa to ng formalin! Kaya ibibigay ko, perfect 10!
Pero kung street foods na lang din ang pag-uusapan, wala nang tatalo sa (drum roll).
.
.
.
.
.
.
.
.
PROVEN! Proven. Ewan ko kung saan sya gawa pero wala na kong pakialam dun basta masarap sya. Kamukha nya yung Hotshots ng KFC (bakit kaya laging KFC?). pero matagal ding naputol ang relasyon namin ng pinakamamahal kong proven. Kasi umalis yung bukod tanging nagtitinda nito samin. Pero ngayon back to business ang mag-asawa kaya isa ko sa mga nagbuena mano! Kaya ang rating, 11!
No comments:
Post a Comment